Saturday, January 6, 2007

Pagtatapat ng Isang Praning

January 7, 2006
Solemnity of the Epiphany of the Lord
Ang Pagdalaw ng Pantas
Mateo 2:1-12
Si Jesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea sa kapanahunan ni Haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan 2 at nagtanung-tanong doon: “Nasaan ang ipinanganak na HAri ng Judio? Nakita naming sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.”
3 Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya’y naligalig, gayon din ang buong Jerusalem. 4Kaya’t tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesias. 5 “Sa Betlehem po ng Judea,” tugon nila. “Ganito ang sinulat ng propeta:
6 ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda,
Ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno
Na mamamahala sa aking baying Israel.’ ”
7 Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang tala. 8 At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pagbilinan ng ganito: “Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako’y makasamba sa kanya.” 9At lumakad na ang mga Pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa Silangan hanggang sumapit ito sa kinaroroonan ng bata. 10 Gayon na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.
12 Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya’t nag-iba na sila ng daan pauwi.

_________________________________
Naging usapan sa buong bayan ang pagdating ng ilang mga pantas mula sa Silangan. Sa ilang sandali ang bayang abala sa normal na gawain nito sa araw-araw ay napuno ng agam-agam at pagkalito. Nagugulumihanan sila sa biglaang pagsulpot ng nakagayak ng grupo. Dagliang naglaho ang dating ingay ng mga pamilihan. Ang mga batang dati ng naghahabulan at nagtitilian sa langsangan ay kagyat na kinaon ng kanilang magulang at ipininid sa kanilang tahanan. Halos naikubli naman ng makapal na alikabok na iniwan ng mga humahangos tao ang mga pulubi sa lungsod. Subalit kakatwa na wala sa kanilang nagtangka na humingi ng limos sa mga estrangherong dumaraan, bagkus pilit nilang ikinukubli ang kanilang mukha sa gutay-gutay nilang balabal na tila nahintatakutan.
Sa kabila ng lahat ng ito hindi naman naging ganap ang katahimikan. Umaalingawngaw ang mga bulung-bulungan patungkol sa pakay ng mga marangyang mga bisita. Hinahanap daw nila ang kasisilang lamang na hari ng mga Hudyo. “Hari ng mga Hudyo!” kagyat na bulalas ng bawat nakaririnig.
Higit na kumalat ang kilabot ng maaninag nila na humahangos sa kalsada patungo palasyo ang mga tagapayo ng haring Herodes, ang mga punong seserdote at ang mga tagapagturo ng Batas. Mabilis na kumalat ang balita ng nagkakagulo daw sa palasyo at dumating na rin daw ang karagdagang pwersang militar upang ipagtanggol ito sa anumang pagtatangka ng kudeta. May dahilang mapraning si Herodes; maliban sa may isinilang na bagong hari ito rin daw ang magpapalaya sa kanyang mga kababayan.
Malakas na ang tensyon at di na kinaya ng marami. Nagsara na sila ng mga pintuan at ibinaba ang mga bintana. Nagtira lamang sila ng siwang na sapat na sisilipan upang agad na makakilos kung anu’t-anuman ang mangyari. Hinatak ko ang aming bintana upang lumapat ito nang husto at pagkatapos ay pasalya kong itinulak ang aking asawa na sumisilip dito. Pagkatapos ko siyang sulyapan ng matalim ay agad akong bumalik sa bodega upang madaliin ang aking mga alipin sa pag-iimbak ng mga naitago kong mga trigo. Pagkatapos ay inutusan ko ang mga bayaran kong manggagawa na ipinid at itali ang mga aliping naging kabayaran ng mga pagkakautang ng kanilang mga magulang sa akin sa isang silid. Malakas ang kabog ng dibdib na dali-dali akong bumalik sa bahay upang kumuha ng sisidlan. Sa may sala ay nadaanan ko ang aking mag-ina na magkayakap na umiiyak. Tinatapunan ng liwanag mula sa siwang ng mga dingding ang mga sariwa pa nitong mga pasa at galos. Hinatak ko ang asawa ko sa buhok at buong balasik na pinagbantaan, “Huwag kang magkakamaling tumakas at magsumbong, papatayin ko kayong mag-ina!”
Dali-dali akong pumanhik sa itaas at inilagay sa isang sisidlan lahat ng aking salapi at mamahaling mga bato. Kasama ang isang tapat na katiwala patagong binaybay namin ang abandonadong mga daan. Sa isang tahanan kami ay huminto at pasalya naming binuksan ang pinto nito ng kami ay ‘di pagbuksan ng may-ari. Kinaladkad ng tapat kong alipin ang lalake ng tahanan at pabalandrang isinandal ito sa isang poste ng bahay. Binunot ko ang aking punyal at itinutok sa leeg nito sabay sabi, “Wala ng panahon para maghintay pa, kailangan ko ngayon ang kabayaran ng iyong utang sa akin.” Lumuluha ang asawa’t anak na nagmakaawa sa akin dala ang isang kasulatan, “Wala kaming salapi, narito ang titulo ng aming lupain kunin mo ito alam ko namang ito talaga ang habol mo.”
Magdidilim na ng lumabas kami ng tahanang iyon at tumuloy kami sa Ilog Hordan. Pagsapit duon ay ibinigay ko ang sisidlan sa aking katiwala at inutasang dalhin iyon at itago sa mga bayan sa kabila ng ilog. Dagling tumalima ng aking alipin at nang matiyak ko na nakatawid na sya ay dali-dali akong bumalik ng aking bahay. Parang hibang na pumasok sa aking silid at tiniyak na sarado ang lahat ng pinto at mga bintana. Lumagok ng alak na nasa aking mesa at inilabas ang punyal na aking sukbit, subalit wala akong intensyong gamitin iyon kahit kanino; “Isa ka raw makatarungang hari, bago mo pa makuha ang lahat sa akin at bago mo pa ako maipagsakdal, itatarak ko muna ang balaraw na ito sa aking lalamunan!”
Sa araw ng pagdating ng Panginoon, hindi lamang si Herodes ang may dahilang mapraning. Ang mga nag-aastang hari at makapangyarihan sa mundong ito ay labis na nababahala sa nalalapit na pagtatagumpay ng katotohanan, kabutihan at katarungan. Ang mga nalulong sa mga bagay na makamundo at alipin ng salapi at kapangyarihan ay nanghihilakbot sa araw ng paghahari ng Diyos. Subalit sa bawat pantas, sa bawat biktima ng pang-aapi, at sa bawat isa na may mabuting kalooban, buong galak na sasalubungin ang Kanyang pagdating.
Dumating ka na nawa Panginoon!
-Nestor M. Ravilas, Kaalagad Member

No comments: